← BACK

Good news para sa BHWs! Pet bill ni JV Ejercito na Magna Carta for Barangay Health Workers, lusot sa third at final reading

August 03, 2026

Muling inaprubahan ng Senado sa third at final reading ang Senate Bill No. 1905 o ang Magna Carta for Barangay Health Workers (BHWs)— panukalang batas na isinulong ni Senate Senior Deputy Majority Leader JV Ejercito bilang principal author at sponsor.

Matatandaang naipasa na rin ng Senado ang kaparehong panukalang batas noong 19th Congress at in-adopt na rin ng Kamara ang bersyon ng Senado. Gayunman, nabitin ito matapos bawiin ng House of Representatives ang panukala sa huling linggo ng nakaraang Kongreso.

Ayon kay Ejercito, hindi siya titigil hangga't hindi nagiging batas ang panukalang matagal nang hinihintay ng libo-libong Barangay Health Workers sa buong bansa.

"Hindi po tayo magsasawang ipaglaban ang panukalang batas na ito. Patuloy natin itong isusulong hanggang matupad natin ang ating pangako sa ating mga Barangay Health Workers—na kilalanin ang kanilang sakripisyo at tiyaking matatanggap nila ang nararapat na benepisyo at proteksyon,” sabi ni Ejercito.

Dagdag pa ng senador, panahon na upang suklian ang mga BHW na matagal nang nagsisilbing unang takbuhan ng mga Pilipino sa usaping pangkalusugan.

"Sa bawat barangay, sila ang unang nilalapitan kapag may nagkakasakit. Sila ang nag-iikot sa ating mga komunidad, dumadalaw sa ating mga tahanan, nagbibigay ng health information, nag-aasikaso ng records, at umaalalay sa mga pasyente patungo sa tamang health center, doktor, o ospital,” ani Ejercito.

“They have given so much, yet received so little,” dagdag niya.

Binigyang-diin din ni Ejercito na napatunayan ng mga BHW ang kanilang kabayanihan lalo na noong pandemya, ngunit hanggang ngayon ay marami pa rin ang kulang sa suporta, mababa ang honorarium, at kadalasa'y sariling pera pa ang ginagamit sa pagtulong sa kanilang mga kabarangay.

Umaasa rin ang senador mula sa San Juan na sa pagkakataong ito ay tuluyan nang maisabatas ang panukala.

"Sana sa pagkakataong ito ay mapirmahan na ng Pangulo ang Magna Carta for Barangay Health Workers at hindi na muling mabitin. Tatlong dekada na itong hinihintay ng ating mga BHW. Panahon na para maibigay sa kanila ang pagkilala at benepisyong matagal na nilang nararapat."

Sa ilalim ng SBN 1905, kikilalanin ang Barangay Health Workers bilang mahalagang katuwang sa pagpapatupad ng primary health care at Universal Health Care.

Nakapaloob din dito ang mga benepisyo tulad ng hindi bababa sa P3,000 buwanang honorarium, transportation at hazard allowance, annual cash gift, loyalty incentive para sa mga may 15 taong serbisyo, at isang certification at accreditation system upang higit na mapatatag at mapropesyonalisa ang hanay ng mga BHW.

“To our Barangay Health Workers: Nakikita namin ang inyong kalagayan at naririnig ang inyong mga hinaing. Hindi naming kayo kailanman nalimutan. Kinikilala namin ang inyong sakripisyo at kabayanihan,” sabi ni Ejercito.

"Para ito sa mga taong matagal nang nag-aalaga sa ating mga komunidad. Panahon naman na sila ang ating alagaan," dagdag pa niya.

#

Stay Ahead with JV Ejercito: Get the Latest Updates,
Insights, and News


    ×

    Stay in touch

    Subscribe to JV Ejercito’s Newsletter: Get the Latest Updates, Insights, and News

      Full Name

      Email

      Mobile Number (Optional)