Statement on the seizure of P35.4M worth of smuggled onions and garlic in Nueva Ecija seized by the NBI and BOC
June 03, 2026
JOB WELL DONE! Kinikilala natin ang matagumpay na operasyon ng Bureau of Customs (BOC) at National Bureau of Investigation (NBI) sa pagpapatupad ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Act. Malaking dagok sa mga smugglers ang pagkakasabat ng mahigit ₱34.5 milyong halaga ng illegally imported na sibuyas at bawang.
Malinaw itong babala sa mga nasa likod ng smuggling: hindi natin palalampasin ang mga iligal na gawain na sumisira sa ating sektor ng agrikultura.
Bilang principal author ng batas na ito, buo ang ating suporta sa imbestigasyon at pagsasampa ng kaso laban sa sinumang sangkot sa smuggling, hoarding, profiteering, at iba pang anyo ng economic sabotage.
Ngunit hindi dapat dito nagtatapos ang usapin. Hindi sapat na makumpiska lang ang mga produkto. Dapat managot ang mga nasa likod nito at masawata ang kanilang sistema at network. Sino ang nagbukas ng pinto at nagbulag-bulagan para maipasok ang mga ito? Mayroon bang kamay dito ang mga nasa gobyerno? Dapat bilisan ang pagbuo ng kaso laban sa mga responsable.
Malinaw na pananabotahe ito sa kabuhayan ng ating mga magsasaka at malaking banta sa food security ng bansa. Anumang pagsisikap ng gobyerno para masuportahan ang agriculture sector ay mapupunta sa wala kung hindi masusugpo ang smuggling.