Statement on the shooting incident inside the Senate building
May 14, 2026
Nakalulungkot at lubhang nakakaalarma ang mga kaguluhang nangyari sa Senado kahapon. Ang Senado ay mahalagang simbolo ng ating demokrasya na dapat igalang at pangalagaan. Kaya naman nakadidismaya na may insidenteng palitan ng putok ng baril mismo sa loob ng institusyong inaasahang sumasalamin sa kaayusan at paggalang sa batas.
Mariin nating kinokondena ang anumang uri ng karahasan, lalo na kung ito ay gagawin sa loob mismo ng mga pasilyo ng Senado. Ang ganitong insidente ay hindi lamang simpleng usapin ng seguridad kundi isang paglapastangan sa dangal at integridad ng institusyon. May pananagutan ang mga kinauukulan na tiyaking maayos at protektado ang Senate premises sa lahat ng oras. Pagkat ang Senado ay hindi lamang binubuo ng mga Senador kundi maging ang mga empleyado at mga manggagawa na naglilingkod dito. Higit sa lahat, ang Senado ay sa taumbayan, sa bawat Pilipino.
Nanawagan tayo ng agarang, masusi, at walang kinikilingang imbestigasyon upang mapanagot ang sinumang may kinalaman sa insidenteng ito. Ang Senado ay dapat manatiling isang ligtas na espasyo para sa demokratikong proseso at maayos na diskurso.