Ejercito nagbabala sa OFWs, jobseekers laban sa online recruitment scams
May 25, 2026
Nagbabala si Senator JV Ejercito sa overseas Filipino workers (OFWs) at mga naghahanap ng trabaho laban sa lumalalang pagkalat ng mga pekeng overseas job offer sa social media at messaging applications.
Ayon kay Ejercito, marami sa mga scam na nagpapanggap na lehitimong overseas recruitment ay hindi na simpleng panloloko lamang kundi posibleng konektado na sa mga organisadong sindikato.
“Masakit dito, ang nabibiktima ay mga Pilipinong nangangarap lang magkaroon ng mas maayos na buhay para sa pamilya nila. Hindi na ito simpleng panloloko dahil posibleng konektado na ito sa organized illegal groups at trafficking networks,” ani Ejercito.
Sa joint hearing ng Senate Committees on Migrant Workers at Labor, Employment and Human Resources Development, binigyang-diin ni Ejercito na patuloy na sinasamantala ng illegal recruiters ang kagustuhan ng maraming Pilipino na makahanap ng disenteng trabaho abroad para maitaguyod ang kanilang pamilya.
“Dapat habulin at mapanagot ang mga nasa likod nito. Kailangan ding paigtingin ang information campaigns at pagbabantay sa social media na madalas pinupuntirya nitong mga illegal recruiters,” ani Ejercito.
Sa pagdinig, nakausap mismo ng senador sina Jorick Ocmer at Jennilyn Olpindo, mga biktima ng illegal recruiters. Ayon sa kanila, tinatayang aabot sa P130,000 ang naibayad ng bawat isa para sa di umano’y placement fees at iba pang processing costs.
Inusisa naman ng senador ang Department of Migrant Workers (DMW) kung may tulong na naiaabot sa mga biktima tulad nila Ocmer at Olpindo, partikular ang financial assistance, dahil marami sa kanila ang napipilitan pang mangutang para sa inaakalang trabaho abroad.
Nangako ang senador na magsusulong ng mga hakbang para mapagtibay ang mga umiiral na batas para sa proteksyon ng mga OFWs.
“We will look into this and push for stronger measures against human trafficking and online scams. Dahil talagang nagiging biktima ang OFWs natin, mga Pilipino ang laging target,” ani Ejercito.
Suportado rin umano ni Ejercito ang plano ng DMW na magbigay ng tulong sa mga biktima sa bawat yugto ng proseso, mula sa paghahain ng reklamo hanggang sa pag-usad ng kaso at pagkakakulong ng mga responsable, upang mas mahikayat silang ituloy ang kaso at hindi umatras sa gitna ng proseso.