← BACK

EPIRA, palpak?: JV Ejercito, nanawagang i-overhaul ang batas sa kuryente

July 30, 2026

Higit dalawang dekada matapos maisabatas ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA), iginiit ni Senate Senior Deputy Majority Leader JV Ejercito na panahon nang repasuhin ito dahil hindi nito naihatid ang ipinangakong mas murang kuryente para sa mga Pilipino.

Kasabay nito, naghain si Ejercito ng Senate Bills Nos. 2342 at 2343 na naglalayong alisin ang mga singil na aniya'y patuloy na nagpapabigat sa bayarin sa kuryente.

"Napakabigat na ng pinapasan ng ating mga kababayan. Mataas ang presyo ng mga bilihin at mataas ang singil sa kuryente. Ang kuryenteng hindi naman natin nagamit ay hindi natin dapat bayaran.”

“Bilang tugon sa panawagan ng Pangulo, agad po nating nai-file ang dalawang panukalang batas: Senate Bill No. 2342 na naglalayong tuluyang alisin ang recoverable system loss, at Senate Bill No. 2343 na magtatanggal naman sa ipinapataw na VAT sa electric bill," ani Ejercito sa hearing ng Senate Committee on Energy.

Binalikan din ng senador ang naging karanasan ng bansa sa mga power purchase agreement (PPA) noong 1990s, nang kinailangang pumasok ang gobyerno sa mga kontrata para mabilis na matugunan ang krisis sa kuryente.

Aniya, ilang taon pinasan ng mga konsyumer ang gastos sa mga kontratang ito, kabilang ang bayad sa kuryenteng hindi naman aktuwal na nagamit.

"Dapat natuto na tayo sa karanasan ng mga lumang power purchase agreements. Naranasan natin na kapag ang lahat ng panganib at gastos ay ipinapasa sa consumers, ang nagiging huling tagabayad ay ang pamilyang Pilipino. Hindi na dapat maulit iyon," ani Ejercito.

Sinabi ng senador na kaparehong prinsipyo ang dapat pairalin sa system loss.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 2342 o Consumer Protection Against System Losses Act, hindi na maaaring ipasa sa mga konsyumer ang system loss charges sa kanilang buwanang bayarin.

Aamyendahan ng panukala ang ilang probisyon ng EPIRA kaugnay ng technical at non-technical system losses, kabilang ang pilferage at illegal tampering. Sa halip na singilin sa mga konsyumer, ituturing ang mga ito bilang bahagi ng operating expenses ng distribution utilities at electric cooperatives.

"Ang dapat lamang bayaran ng mga konsyumer ay ang kuryenteng aktuwal nilang nagamit. Hindi makatarungan at hindi nila dapat akuin ang gastos na dulot ng inefficiency, lumang sistema o pagkalugi na wala silang kontrol," aniya.

Inihain din ni Ejercito ang Senate Bill No. 2343 na naglalayong alisin ang value-added tax (VAT) sa singil sa kuryente.

Sa ilalim nito, papaigtingin ang mandato ng Energy Regulatory Commission upang matiyak na makatwiran at makatarungan ang mga singil ng distribution utilities at electric cooperatives, at higit na mapangalagaan ang kapakanan ng mga konsyumer. 

#

Stay Ahead with JV Ejercito: Get the Latest Updates,
Insights, and News


    ×

    Stay in touch

    Subscribe to JV Ejercito’s Newsletter: Get the Latest Updates, Insights, and News

      Full Name

      Email

      Mobile Number (Optional)