JV Ejercito: Fresh grads, bigyan ng ₱5k grant pang-apply
May 06, 2026
Para maibsan ang bigat ng gastusin sa paghahanap ng unang trabaho, iginiit ni Senator JV Ejercito ang panukalang magbigay ng P5,000 grant para sa mga bagong graduate ng kolehiyo at tech-voc.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 1961 o “Fresh Graduates P5,000 One-Time Cash Grant Act of 2026,” layunin na matulungan sa mga gastusin sa paga-apply ang mga nagtapos mula sa mga unibersidad, kolehiyo, at training institutions para mapabilis ang pagkuha nila ng trabaho.
“This is actually an investment sa ating youth at sa labor market. Madaming gustong makakuha ng disenteng trabaho pagka-graduate pero nahihirapan dahil kapos sa pera,” ani Ejercito, na binibigyang-diin ang lumalawak na problema sa job mismatch.
Dagdag ng senador kapag naantala ang paghahanap ng trabaho dahil gipit sa pamasahe at iba pang gastusin, napipilitan ang fresh graduates na tumanggap ng trabahong hindi akma sa kanilang natapos o kasanayan.
Ayon sa datos ng Department of Labor and Employment na binanggit ng Commission on Higher Education, tumaas ng 2.6 percentage points ang unemployment rate ng college graduates sa bansa noong 2025 mula sa 35.6 percent noong Disyembre 2024.
“Ilan sa puwedeng paggamitan ng pondong ito ay pamasahe, pag-print ng resume, o pambili ng maayos na damit para sa interview.”
“Sa iba, puwedeng maliit o pangkaraniwan lang ang mga ito, pero sa marami, malaking bagay ito para makapagsimula,” ani Ejercito.
Bagamat may First Time Jobseekers Assistance Act na nagwi-waive ng fee sa ilang pre-employment documents, hindi nito sinasagot ang iba pang mahalagang gastusin sa paghahanap ng trabaho. Layunin ng panukalang ito na punan ang nasabing kakulangan.
Sa panukala, kailangang magpakita ang kwalipikadong benepisyaryo ng diploma o certificate bilang patunay ng kanyang pagtatapos para makatanggap ng P5,000.
Itatalaga naman ang Commission on Higher Education bilang tagapangasiwa ng implementasyon para matiyak ang maayos at transparent na pamamahagi ng pondo.