← BACK

JV Ejercito nanindigan sa wage hike: ‘Sapat na sahod, karapatan ng manggagawa’

August 05, 2026

Mariing sinuportahan ni Senate Senior Deputy Majority Leader JV Ejercito ang panawagang alisin ang temporary restraining order (TRO) ng Korte Suprema na pumipigil sa pagpapatupad ng P85 dagdag-sahod para sa mga manggagawa sa National Capital Region (NCR).

"Magkano ang dangal ng isang manggagawang Pilipino? Ito po ay kailanman hindi matutumbasan ng kahit na anong halaga.”

"We join the resolution calling for the lifting of the restraining order that hindered the implementation of the P85 wage hike. Most importantly, we join the workers' call not only for a wage increase but for social justice!” ani Ejercito sa kanyang co-sponsorship speech kaugnay ng Proposed Senate Resolution No. 577 ngayong Miyerkules.

Muling uminit ang usapin sa wage hike matapos maglabas ang Korte Suprema ng TRO laban sa pagpapatupad ng P85 umento sa minimum wage na ipinag-utos ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board para sa NCR.

Iginiit ni Ejercito na ang pagpigil dito ay hindi dapat ituring na simpleng usapin lamang sa pagitan ng employer at empleyado.

"Ang pagkakaroon ng makatarungang sahod para sa ating mga manggagawa ay maiuugnay sa karapatang mabuhay. Ang bawat manggagawang Pilipino ay may karapatang mamuhay nang marangal," aniya.

Ayon sa senador, panahon na upang muling isulong ang legislated wage hike sa Kongreso.

Noong Hulyo 2025, inihain ni Ejercito ang kanyang priority measure, Senate Bill No. 6, na naglalayong magbigay ng P250 across-the-board na dagdag sa arawang minimum wage ng lahat ng minimum wage workers sa pribadong sektor, anuman ang kanilang employment status.

Binigyang-diin din ni Ejercito na hindi dapat magtapos sa dagdag-sahod ang mga reporma para sa mga manggagawa. Dapat ding bawasan ang iba pa nilang araw-araw na gastusin, kabilang ang systems loss charges sa singil sa kuryente.

Kasabay nito, sinabi niyang kailangan ding patuloy na palakasin ang mga serbisyong pangkalusugan upang mabawasan ang out-of-pocket costs at gastusing medikal ng mga pamilya kapag may nagkakasakit o naospital.

Dagdag pa niya, kailangang sabayan ang mga agarang hakbang ng mga pangmatagalang reporma upang mapalakas ang ekonomiya at makalikha ng mas maraming de-kalidad na trabaho.

"Hindi po simpleng side comment o biro ng ating mga kababayan ang mga katagang, 'Tumataas ang presyo pero hindi naman tumataas ang suweldo.' Ito po ang realidad ng buhay—mga kongkretong hinaing na dapat pakinggan," aniya.
#

#

Stay Ahead with JV Ejercito: Get the Latest Updates,
Insights, and News


    ×

    Stay in touch

    Subscribe to JV Ejercito’s Newsletter: Get the Latest Updates, Insights, and News

      Full Name

      Email

      Mobile Number (Optional)