JV Ejercito: Online Sugal, mas Malalang Social Crisis kaysa POGO
July 07, 2025
Nanawagan si Senator JV Ejercito ng mas mahigpit na regulasyon ng gobyerno sa online gambling, na tinawag niyang isang lumalalang social crisis na mas mapanganib pa kaysa sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
“Sa POGO, kadalasan dayuhan ang biktima. Pero sa online gambling, mismong mga kababayan natin ang tinatamaan, mga manggagawa, mga magulang, pati kabataan. Mas masahol ito dahil tayo mismo ang unti-unting nasisira,” pahayag ni Ejercito.
Nagbabala si Ejercito sa tahimik pero mabilis na paglaganap ng online gambling sa bansa sa pamamagitan ng smartphone apps na bukas 24/7, na nakakaakit naman sa mga Pilipinong nakakaranas ng kagipitan o nasa alanganing kalagayang pinansyal.
Iginiit ng senador na napakalaki ng epekto ng online gambling sa lipunan. Kabilang dito ang pagkasira ng pamilya, pagkalubog sa utang, at negatibong epekto sa mental health, lalo na ng kabataan.
Hinimok niya ang National Telecommunications Commission (NTC) na magpatupad ng paraan kung saan pwedeng i-request ng isang indibidwal o ng kanyang pamilya na i-block ang access sa online gambling sites.
Aniya, mahalagang magkaroon ng mekanismo na tutulong sa mga gustong umiwas sa sugal o sa mga pamilya na gustong protektahan ang kanilang mahal sa buhay mula sa pagkalulong dito.
Nagbabala rin ang senador sa patuloy na pagtaas ng exposure ng mga menor de edad lalo’t maraming gambling apps ang nakakubli sa anyo ng entertainment o gaming platforms. “Halos wala nang limitasyon ang access. Isang pindot lang, kahit sino pwedeng magsugal.”
Kaugnay nito, iminungkahi rin ni Ejercito ang pagbabawal sa mga e-wallet na nagsisilbing daan para mahikayat at makasali ang publiko sa online gambling.
Nagpahayag naman si Ejercito ng suporta sa public education campaigns na layong ipabatid sa publiko ang panganib ng online gambling, lalo na sa mga komunidad kung saan madaling maakit ang tao sa mga pangakong instant pera.
“Sa panahon ng krisis, nauuto ang tao ng mga pangakong instant pera. Pero ang kapalit ay utang, kahihiyan, at pagkawasak ng pamilya.“