← BACK

JV Ejercito pinatatanggal ang system loss, VAT sa kuryente

July 28, 2026

Naghain nitong Huwebes si Senior Deputy Majority Leader JV Ejercito ng dalawang panukalang batas para mapababa ang singil sa kuryente sa pamamagitan ng pagbasura sa system loss charge na ipinapasa sa mga konsumer at sa 12-percent value-added tax (VAT) sa kuryente.

Inihain ni Ejercito ang Senate Bills Nos. 2342 at 2343 kasunod ng panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikalimang State of the Nation Address na magpatupad ng mga hakbang upang mapababa ang presyo ng kuryente sa bansa.

Ayon kay Ejercito, kailangang agarang kumilos ang Kongreso upang mabawasan ang pasanin ng mga pamilyang Pilipino na nahaharap sa isa sa pinakamataas na presyo ng kuryente sa Southeast Asia.

“Madami na sa atin ang umiinda at nabibigatan sa mataas na singil sa kuryente kaya dapat lang alisin na ang mga charge na hindi naman dapat ipinapasa sa mga konsumer, at tiyaking mas efficient ang power sector.”

Sa ilalim ng Senate Bill No. 2342 o Consumer Protection Against System Losses Act, ipagbabawal sa distribution utilities at electric cooperatives na ipasa sa mga konsumer ang system loss bilang hiwalay na singil sa kanilang electric bill.

“Dapat ang binabayaran lang ng mga konsumer ay ang kuryenteng aktuwal nilang nagagamit at serbisyong kanilang natatanggap. Kung hindi mo nagamit ang kuryente, hindi mo dapat bayaran,” ani Ejercito.

Ang system loss ay kuryenteng nawawala sa proseso ng transmission at distribution dahil sa technical losses at non-technical losses gaya ng illegal connections at meter tampering. Sa kasalukuyan, maaaring ipasa sa mga konsumer ang bahagi ng system loss na pasok sa limitasyong itinakda ng Energy Regulatory Commission.

Inaatasan din ng panukala ang ERC na baguhin ang mga umiiral nitong patakaran sa loob ng 90 araw mula sa pagiging epektibo ng batas upang alisin ang system loss bilang hiwalay na item sa electric bill.

Kasabay nito, inihain ni Ejercito ang Senate Bill No. 2343 na naglalayong alisin ang 12-percent VAT sa singil sa kuryente.

“Sa pagtanggal ng VAT sa kuryente, direkta nating mapapababa ang gastusin ng mga pamilya at negosyo. Ang budget na matitipid puwede na nilang ilaan sa pagkain, gamot, edukasyon at iba pang pangunahing pangangailangan,” ani Ejercito.

Iginiit ni Ejercito ang agarang pagpasa ng dalawang panukala upang direktang mapababa ang singil sa kuryente at mabawasan ang pasanin ng mga konsumer.

#

Stay Ahead with JV Ejercito: Get the Latest Updates,
Insights, and News


    ×

    Stay in touch

    Subscribe to JV Ejercito’s Newsletter: Get the Latest Updates, Insights, and News

      Full Name

      Email

      Mobile Number (Optional)